Thursday, June 04, 2015

Repost: Bakit nga ba dehado ang pulis na may kaso? (Isang Pag-aaral)

This is one article too good to pass up.  Reprint ko for your information guys.  Eto source sa facebook:
Reynold Villania
https://www.facebook.com/reynoldv?fref=nf

WEEKLY LEGAL ADVISORY
June 1, 2015 (1st Week)

SUBJECT: Bakit nga ba dehado ang pulis na may kaso? (Isang Pag-aaral)

Napakahirap sa isang pulis ang may kaso. Mas masakit, kung ang kaso ay may kaugnayan sa serbisyo. Bilang isang abogado at miembro ng pambansang pulisya na karaniwang ng tanungan at taga-pagtangol ng mga pulis na may kaso, ang mga sumusunod ay ang mga dahilan kung bakit sa ilalim ng ating sistema, napakahirap sa isang pulis ang may kinakaharap na kaso, lalong lalo na kung administratibo.

1. Mababang kredibilidad – nakakalungkot isipin na kapag-inirereklamo ang pulis, marami sa ating mga kababayan ang nagkakaroon kaagad ng pre-judgment na may ginawang paglabag ang pulis. Mas
lalong nakakadismaya sapagkat ang ganitong perception ay hindi lamang malawakan sa sibilyang populasyon, pati na rin sa loob ng organisasyon. Implikasyon? Apektado ang impartiality ng hearing officer dahil sa mababang credibility perception. Pwede ring maisangtabi ang presumption of regular performance of duty na dapat sana pabor sa pulis kontra sa alegasyon ng kalaban.

2. Ex-parte pre-charge evaluation– Ang layunin ng pre-charge evaluation ay surrin kung mayroong tinatawag na probable cause para isampa ang kaso laban sa pulis. Sa ilalim ng Napolcom Memorandum Circular 2007-001, ang bibliya ng PNP pagdating sa disposition ng kaso, pinapahintulutan ang Napolcom, IAS, PLEB at mga tinalagang opisyal ng PNP, na i-determina ang probable cause batay lamang sa reklamo ng complainant. Ang tawag dito ay ex parte. Implikasyon? Maraming pulis ang nasasalang sa kaso na pwede naman sanang hindi na umabot sa ganitong punto kung nabigyan siya ng pagkakataong magpaliwanag sa oras ng imbestigasyon o pre charge evaluation.

3. Magaang pagdetermina ng probable cause – Sa aking obserbasyon at eksperyensya, mas magaan magdetermina ng probable cause ang isang hindi abogado kaysa sa isang abogadong may kaalaman sa batas lalong lalo na sa batas ng ebidensya. Sa PNP, IAS at Napolcom, ang mga pre-charge evaluators ay kadalasan ng hindi mga abogado. Mas maganda kung ang kalibre ng ating pre-charge evaluation ay kagaya sa prosecution at ombudsman na ginagawa ng mga abogadong tinitingnan maige ang legalidad at bigat ebidensya ng nagrereklamo. Implikasyon? Pag ang isang pulis ay inerereklamo, sobrang napakataas ng probability na siya ay makakasuhan kahit na walang matibay na ebidensya ang nagrereklamo.

4. Mahinang pagkaintindi ng Section 1, Rule 14, Napolcom Memo. Cir. 2007-001 – Sa ilalim nito, pinapahintulutang magkaroon ng ex-parte pre-charge evaluation ang mga pre-charge evaluators, subalit, pinapahintulutan din siyang ibasura ang reklamo kontra sa pulis kung walang makitang sapat na basehan ang reklamo – Ang kadalasan ng nangyayari, kahit na walang sapat na basehan ang reklamo sa pulis, sinasalang pa rin siya sa kaso sa paniniwala ng napakarami na sa oras na lamang ng pagdinig titingnan ang mga ebidensiya ng mga partido. Implikasyon? Maraming pulis ang nagkakaso dahil sa mahinang pag-implementa ng nasambit na probisyon na nagbibigay kapangyarihan sa pre-charge evaluator na ibasura ang kaso sa lebel niya pa lamang kung walang sapat na batayan, imbes na isalang pa ang pulis sa kaso.

5. Maraming otoridad ang binigyan ng batas ng kapangyarihang hawakan ang kaso. Nandyan ang People Law Enforcement Board (PLEB) na kinabibilangan ng mga local na pulitiko at iba pang miembro ng lokalidad. Sila ang tumatayong mga hurado na hindi naman mga abogado. Hindi lingid sa atin na kung minsan nahahaluan ng pulitika ang desisyon ng PLEB. Nandyan din Mayor’s Office; Internal Affairs Service (IAS); National Police Commission, Civil Service Commission at Ombudsman. Sa tinatawag na breach of internal discipline naman, nandyan ang Chief of Police, Provincial Director, Regional Director at ang Chief PNP. Ang sistemang ito karaniwan ng inaabuso ng mga complainant sa pamamagitan ng sabay sabay na pagsampa ng parehong kaso sa ibat-ibang hurisdiksyon. Mas lalong kawawa ang pulis pag nakasuhan sa PLEB dahil sa pulitikal na komposisyon ng mga miembro.

6. Sa PNP, ang tumatayong huwes o summary hearing officer (SHO) ay hindi abogado- Sa Napolcom, Ombudsman, Civil Service Commission at minsan sa IAS, ang tumatayong SHO ay abogado samantalang sa PNP ay mga opisyal ng organisasyon itinalaga ng otoridad. Mahirap ang maging abogado, mas mahirap ang maging SHO, pero ang ating mga SHO sa PNP ay hindi abogado. Sa panahon ng paglilitis, ang mga complainant ay may bitbit na abogado, samantalang ang mga pulis na may kaso ay kadalasan ng wala. Hindi maitatangi na maraming mga SHO ang nahihirapan at nai-intimidate ng abogado sa oras ng pagdinig. Ito ay hindi naman nakapagtataka sapagkat hindi naman sila abogado. Sa ganitong pagkakataon, hindi nakapagtataka na ang ang pulis ay mapaparusahan sa halip na mapapawalang sala dahil : Una; pwedeng matakot ang SHO sa abogado ng complainant na siya rin ang ireklamo pag hindi pabor sa kaniya ang kaso, Pangalawa; alam niyang hindi magrereklamo ang pulis sa kaniya. Implikasyon? Mas ligtas sa SHO na parusahan ang pulis kaysa sa ipawalang sala ang pulis sa harap ng banta ng nagrereklamo.

7. Schooling- marami pa ring mga pulis ang hindi pinapayagang mag-schooling ng kanilang mga opisina dahil sa maling interpretasyon ng PNP Circular na nagsasabing hindi naman absolute disqualification sa schooling ang may pending case ng isang pulis. Walang schooling, walang promotion.

8. Appearance of PNP Lawyers – Limitado lamang ang serbisyong ibinibigay ng PNP Legal Service sa pulis na may service connected case. Mayroong mga opisinang disqualified siyang mag-appear due to conflict of interest kagaya sa mga kaso ng breach of internal discipline. Maraming regional offices pa rin ( hindi kabilang ang PRO5) na kung saan pinagbabawal ang pag-appear ng abogado ng PNP Legal Service sa RIAS, na kung saan nakasampa ang maraming service connected case ng pulis. Implikasyon? Kawawa ang pulis sapagkat wala siyang abogado.

9. Long resolution of cases- matagal ang resolusyon ng mga kaso. Sa Napolcom, halimbawa, ang desisyon ng SHO sa mga regional offices ay kailangan pang ipadala sa Napolcom Central Office para pagtibayin ng Napolcom En Banc. Ganundin sa Ombudsman at sa mga kasong hinahawakan ng mga opisyal ng PNP. Implikasyon? Matagal na may tatak With Pending Case” ang pulis. Implikasyon? Walang promotion, hindi makautang sa AFSLAI at iba pang prebilihiyo.

10. Intel based decision-Mayroong tendency ang mga SHO na ibase ang kanilang desisyon hindi sa ebidensyang sinumite ng partido kundi sa intel reports na nakalap ng kanilang kasamahan. Ito ay labag sa batas ng due process.

11. Misplaced concept of obedience and loyalty– maraming mga pulis ang hindi kumbinsido sa desisyon ng SHO pero minabuting hindi na mag-apela para maitama ang desisyon sa takot na sila ay mapasama sa organisasyon. Ganun din sa mga SHO, inaakalang nitong palaban ang isang subordinate kung inaapela nito ang kaniyang desisyon at ina-avail ang mga legal remedies sa ilalim ng batas.

12. Napeperahan ang pulis na may kaso - alam ng sibilyan na mahirap sa pulis ang may kaso. Alam din nito na maraming mga lending institution na pwedeng mangutang ang pulis. Implikasyon? Malakas ang loob na magsampa ng reklamo ang sibilyan dahil alam nitong may makukuha siyang pera sa pulis.

Next Legal Advisory: Ano ang dapat gawin ng isang pulis na may kaso?


*Ang may akda ay isang abogado at miyembro ng Philippine National Police na nakadestino sa PNP Legal Service, Police Regional Office 5. Bilang abogado, malimit siyang tawagan ng mga pulis tungkol sa mga legal na usaping nangyayari sa loob ng estasyon. Dati siyang pulis, bago pa man naging abogado.

1 comment:

tell me what you think!